NEWS & EVENTS

‘Ubbog Ti Asin’, kinilalang pinakamahusay na disertasyon ng KWF

‘Ubbog Ti Asin’, kinilalang pinakamahusay na disertasyon ng KWF

Date Published: March 06, 2017

Author: Emmanuel Jose

Views: 544

Kinilala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bilang pinakamahusay na disertasyon ang papel ni Dr. Lovella Gamponia-Velasco, kawaning propesor mula Nueva Vizcaya State University – Bambang Campus, sa ikatlong Gawad Julian Cruz Balmaseda.

Hinirang ang disertasyon ni Velasco na pinamagatang “Ubbog Ti Asin: Kuwento at Kuwenta ng mga Babaeng Mannurat,” dahil sa kaniyang saliksik sa ambag ng mga babaeng manunulat ng Nueva Vizcaya. 

Ayon kay Velasco, binigyang buhay niya ang natatanging alamat ng Ubbog ti Asin bilang hakbang na sariwain ang panitikan ng rehiyon at buhayin ang panitikang Ilokano. 

“Ang Ubbog ti Asin ay natatanging alamat ng Bambang, Nueva Vizcaya. Isang tradisyong pabigkas, na patunay na ang kalikasan ay may matalik na ugnayan sa buhay at pamumuhay ng tao. Ang pagbuhay sa alamat sa aking disertasyon ay hakbang sa pagbawi sa panitikan ng rehiyon, pagbuhay sa panitikang Ilokano, partikular ang panitikan ng babbáing  mannúrat ng Nueva Vizcaya na naiwan sa panaklong, at paglipat sa mga babae sa rehiyon na wari’y  iniusog ng sentro sa laylayan,” ani Velasco.

Naging layunin ng papel ni Velasco na isalin ang mga kuwento sa wikang Filipino at gawing Filipino ang buong disertasyon upang mas maraming makabasa at makaintindi ng mga kuwentong Ilokano na kaniyang nakalap. Dahil dito, napatunayan niyang iba ang epekto ng paggamit ng wikang Filipino sa puso, isip, at damdamin.

“Napatunayan kong iba nga ang talab ng wikang Filipino, sa puso, sa damdamdamin, sa isipan. At dahil nga pagsasalin ang isang layunin ng disertasyon, mas madali ang pagsasalin dahil nga ang wikang Ilokano at ang iba pang wika ng Filipinas ay magkakamag-anak. At dahil nga ako ay taal na Ilokano at Filipino, nararapat na gamitin ko ang wikang Filipino,” pahayag niya. 

Hindi inasahan ni Velasco na maitatangi ang kaniyang akda dahil sa dami ng nagsipaglahok mula sa iba’t ibang kilalang unibersidad na kinabilangan pa ng mga kilalang manunulat ng bansa. 

“Wala sa aking hinagap na magwawagi ako dahil sa napakaraming lahok mula sa iba’t ibang kilalang unibersidad ng bansa, at ang ibang kalahok ay mga kilalang manunulat na ng bansa. Kayat nabigla at hindi ako makapaniwala nang makatanggap ako ng balita mula sa KWF na ako nga ang nagwagi at mapaparangalan,” pahayag niya.

Para kay Velasco, malaking pagsubok para sa mga kababaihan ang hikayating sumulat upang mabago ang kanilang kapalaran na itinakda ng lipunan. Inihalintulad ni Velasco na tulad ng bukal na hindi nauubos, hindi rin mauubos ang kuwento ng mga kababaihan kung kaya’t nararapat lamang na patuloy na magbigay kabuluhan ang mga kababaihan sa kanilang lipunan. 

Ipinagkalooban ng P100,000 si Dr. Velasco at ang opsiyon na mailathala ang kaniyang akda sa Aklat ng Bayan na lilimbagin ng KWF. 

Itinatangi ng Gawad Julian Cruz Balmaseda, ang pinakamaatas na pagkilala na handog ng KWF, ang mga tesis at disertasyon sa agham, matematika, at agham panlipunan na gumamit ng wikang Filipino. Iginagawad ito tuwing o malapit sa araw ni Julian Cruz Balmaseda (Enero 28 1895) na kilala bilang makata, kritiko at tanyag na iskolar ng Filipino. 

Kasama sa pinarangalan ang masteradong tesis ni Christian Exekiel Mananis Fajardo ng Unibersidad ng Pilipinas na may titulong “Ang Tira Bakal bilang (Kon)Teksto ng Katawang Nagtatanghal” na tumanggap rin ng P100,000.

Ginanap ang pagkilala sa Bulwagang Romualdez, tanggapan ng KWF Maynila noong ika-27 ng Enero 2017.#



Sharing is Caring:

Share

Leave your Comments:

Popular News or Events

NVSU prof qualifies for National Lingkod Bayan search

Date: August 08, 2017

The Nueva Vizcaya State University (NVSU) proved once again its quest in excellence as one of its professor qualified in the nationwide search for Outstanding Public Officials and Employees of the Civil Service Commission (CSC).Among the 17 nominees from Region 02, Dr. Adornado C. Vergara, NVSU Prof ...

Read More

6 Programs bid for AACCUP Level IV Status

Date: August 07, 2017

Six programs of the Nueva Vizcaya State University (NVSU) will undergo evaluation for Level IV Phase 1 and Revisit by the Accrediting Agency for Chartered Colleges and Universities of the Philippines (AACCUP) Inc., starting today, Aug. 7 to 11.The programs to be evaluated are the Bachelor of Science ...

Read More